Si Kapatid na Melchor L. Maldupana ay ipinanganak sa maliit na barrio ng Sta. Monica, Lubao, Pampangga, noong ika-6 ng Enero, 1952. Siya’y pangalawang bunso sa limang magkakapatid – na binubuo ng tatlong babae at dalawang lalake.
Mula pa sa pagkabata ay nadama na niya “ANG PAGTAWAG” (THE CALL) sa kanya upang maging lingkod ng DIOS. Katunayan, ayon na rin sa ama niya, ng si Brother Mel ay grade six pa lamang ay lumapit na siya sa kaniya at hiniling na siya’y papag-aralin sa Seminaryo upang makapag-Pare. Ngunit ang itinutugon na lamang sa kaniya ay “BATA KA PA UPANG PAPASUKIN SA ISIP MO ANG BAGAY NA IYAN.” Ngunit palibhasa nga’y itinalaga upang maglingkod, ilang buwan bago siya makapagtapos sa mataas na paaralan ay inulit niya ito sa kaniyang ama, subalit gaya ng dati ito ay muling tinutulan.
Dito nagsimulang maghari ang kalungkutan sa kanyang puso, lalo na nga nang ang buong sambahayan nila ay tumututol sa banal niyang hangarin. Gayon ma’y di siya nawalan ng pag-asa, lalo pa niyang pinag-ibayo ang kasipagan sa pagro-rosaryo, pagganap ng “station of the cross” at pagdalo sa mga gawain ng simbahang Katoliko. At upang lalo niyang maipakilala ang pag-ibig niya sa paglilingkod, siya’y pumasok sa Cursillo #18, Decuria ni St. Ignatius sa Maquiapo, Pampangga. Dito’y lalong nangibabaw ang pag-ibig niya sa Dios na nang siya’y makalabas ay nagpa-enroll siya sa MOTHER OF GOOD COUNSEL SEMINARY sa San Fernando, Pampangga. Ang bagay na ito ay di nailihim sa kanyang mga mahal sa buhay na nang siya’y makatapos sa High School, si Brother Mel ay inilipat ng tirahan upang marahil mapalayo sa Seminaryong hinangad niyang pasukan. Siya’y pansamantalang pinatira sa bahay ng kanyang kapatid sa Olongapo City.
Inakala ng kanyang mga magulang at mga kapatid na magbabago ang takbo ng isipan niya sa pagtira sa magulong lungsod na iyon ngunit sila’y nagkamali. Pagkat siya pa rin ay lalong naging masugid at aktibo sa mga Cursillo Movement sa Olongapo, madalas na sumasama siya sa mga WELCOME MAÑANITA, ULTREYA at lahat ng gawain na inilunsad ng simbahang Katoliko. Datapwa’t ang lahat ng ito’y nagkaroon ng katapusan. Pagkat isang gabing di niya malilimutan, sa Ultreya Hour nila sa St. Joseph Church ay nagtanong siya sa Pare Parokya nila, kung kasalanan ang paghalik sa rebulto. Natigilan ng sandali ang pari bago siya nakasagot, na ang sagot niya’y nagpabago sa damdamin at isipan ng may akda. Ang tugon ng pari ay “KASALANAN.” Hindi niya malaman kung anong gagawin niya ng oras na yaon, di siya makapaniwalang ang ginagawa nila’y kasalanan ngunit di ipinaaalam sa kanila. Kaya’t mula noon, siya’y nagsimulang magsaliksik na hanapin ang katotohanang malaon ng itinatago sa kanila.
Sa ilang taon ng kanyang paghahanap ng tunay na Iglesia, isa man sa mga pinuntahan niya’y hindi naging tama sa kanyang pagsunod. Hanggang isang gabi habang siya’y naglalakad pauwi sa kanila ay kinilos ng kaluluwa niya ng isang napakagandang awitin. Siya’y lumapit sa pinanggagalingan ng tinig na iyon na tila isang napakalaking lalake, gayon na lamang ang kanyang pagkamangha nang makita doon ang isang maliit na lalakeng umaawit na nagngangalang Bro. Lowell Mason. Ipinasok niya sa puso ang isang awiting “SOFTLY AND TENDERLY JESUS IS CALLING” hanggang sa tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata sa ganda at mensahe ng awitin. Lalo siyang lumuha nang mag-anyaya ang ebanghelistang si Bro. Joe Garman, nais na niyang lumapit noon ngunit pinigil pa rin siya ng pananampalatayang nakaukit sa isipan niya.
Gayon pa man, ilang araw pagkatapos ng pamamahayag na ito ay hinanap niya ang Bahay Sambahan ng Church of Christ, nagtanong sa ministro na si Kapatid na Nel Perez at siya’y nasiyahan sa lahat ng narinig niya. Inaanyayahan siyang magpabautismo ng oras na iyon ngunit sinabi niya ang ganitong katwiran. “KUNG BUKAS PO AY MAKABALIK AKO, NANGANGAHULUGANG MAGPAPABAUTISMO AKO, NGUNIT KUNG HINDI AY HUWAG NA PO NINYO AKONG ASAHAN.” At ng gabing yaon halos di siya dinalaw ng antok, siya’y nanalangin na nawa’y huwag siyang magkamali sa disisyong gagawin niya. Kinabukasan, nag-awitan ang mga anghel sa langit, si Brother Mel ay tumanggap sa Panginoon sa pamamagitan ng tubig ng bautismo noong umaga ng Hunyo 22, 1971.
Kaagad ito’y ipinaalam niya sa kanyang mga magulang at kapatid na ikinagalit nila, lalo na nang sabihin uli niyang mag-aaral siya sa pagka-MINISTRO. Muli siya’y hindi pinayagan sa kahilingan niyang ito kaya’t ang ginawa niya’y kinuha ang address ng CRUZADA CHURCH at siya’y tumakas at sa tulong nina Brother Panfilo Pel siya’y nakarating sa Seminaryo. Sumulat siya sa kanila, pinatawad siya ng pamilya niya ngunit sa kondisyong wala siyang tatanggaping tulong mula sa kanila.
Apat na taon ang matuling lumipas, mga taon ng pagtitiis sa patuloy na pagsalungat ng kanyang sambahayan sa tinanggap niyang pananampalataya. Maging ang mga kamag-anak niyang dating malalapit ang loob ay lumamig na rin ang pakikitungo sa kanya. Ngunit dahilan sa mga pagkupkop, mabuting pagtingin sa kanya ng mga iglesiang pinaglilingkuran niya tulad ng LAGUNDI, VEGA, BONGABON at PILA CHURCH OF CHRIST, siya’y nagkaroon ng lakas ng loob at inspirasyong ipagpatuloy ang kanyang tinanggap na tungkulin. Hindi nagtagal, sa patuloy na pananalangin niya at ng mga kapatiran, ang kanyang Ama at Ina, si Ginoong Benito at Gng. Regina Maldupana ay tinawag ng Panginoon at sa pamamagitan ni Kapatid Erasto Sulit sila’y tumanggap ng bautismo sa pangalan ng Panginoon. Gayon na lamang ang kagalakan niya sa tagumpay na ito na ikinabahala naman ng kanyang mga kapatid sa laman. Subalit sumunod na taon, ang bunso naman niyang kapatid na si Carmencita ang lumapit sa Panginoon at nagpabautismo.
Ang lahat ng ito’y naganap samantalang si Brother Mel ay destino pa sa Iglesia sa PILA. At upang madalhan din niya ng Ebanghelyo ang tatlo pa niyang kapatid sa Olongapo, siya’y nagpadestino doon sa tawag na rin ng Iglesia sa Olongapo. At nang makatapos siya ng isang taon sa pangangaral doon, ang mga kapatid niyang noo’y tangging-tanggi sa kanya ay lumapit na rin sa Panginoon pagkatapos ng maraming araw ng panalangin at pangangaral. Ang mga lumapit ay sina Mario Maldupana, panganay niyang kapatid, ngayo’y isa na ring tagapangaral at ang kanyang asawa na si Ana Ruiz, gayon din si Normita (pangalawa sa panganay) at ang kanyang asawa na si Rodolfo Rolle. Sumunod din si Maria Maldupana at ng kanyang asawa na si Rodolfo Layug. Tumanggap na rin sa Panginoon ang asawa ng kanyang bunsong kapatid na si Eddie. Ito ang tagumpay ng Panginoon sa sambahayan ng kapatid na Mel.
Si Brother Mel ay tumanggap sa MANILA BIBLE SEMINARY ng Bachelor of Theology at Master of Theology degree sa mahigit na anim na taon niyang pag-aaral doon. Nagkaroon din siya ng pagkakatong matapos ang Basic Conseling course sa Ateneo de Manila sa ilalim ng pamamahala ng CEFAM (Center on Family Ministry). Nakapaglingkod din siya sa mga iglesia lokal tulad ng Schetelig (San Pablo City), Pines (Baguio City), Cardona (Rizal Province), at sa kasalukuyan bilang Senior Minister ng Cruzada Church, Quiapo, Manila.
Dahil sa angking kasipagan at pagtatalaga ng kanyang buhay sa paglilingkod, siya sa ilang panahon ay naging pangulo rin ng MABISAA (Manila Bible Seminary Alumnni Association). Sa kasalukuyan ay pangulo ng STNE (Samahang Tagapagpalaganap Ng Ebanghelyo ng mga Iglesia ni Kristo sa Pilipinas); tagapagturo at miembro ng Board ng MBS (Manila Bible Seminary); kasamang tagapayo sa NSPKKKabataan (Samahang Pangkalahatang Kapisanan ng mga Kabataang Kristiano) at NSPKKKalalakihan at ng CCMP (California Christian Mission to the Philippines).
Kaugnay naman ng pangangaral ng Salita ng Dios, si Bro. Mel ay sa ilang taon ay co-editor ng ngayon ay bagong Sulo ng Kristiano; co-evangelist ng ang Ating Paninindigan, radio program na ministeryo ng Church sa Cruzada, at TV Host ng Asin at Ilaw television program.
Patungkol sa Church of Christ:
Kasaysayan at Kaganapan
Ang pagkakatatag ng CHURCH OF CHRIST (Iglesia ni Kristo) ay hayag na sinasalita ng Banal na Kasulatan. Nagsimula itong ihula sa pamamagitan ng propetang si Isaias (Isaias 2:2-3) na ganito ang pagkasabi,
“At nangyari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol ; at lahat ng bansa ay nagsiparoon doon. At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagkat mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.”
Sa hulang ito ay matututuhan natin ang tatlong mahahalagang mga bagay: Una, na ang Bahay ng Dios ay matatatag as Jerusalem. Pangalawa, na ang Bahay ng Dios ay matataas at ang lahat ng bansa ay magsisiayon doon. At pangatlo, ang katuparan nito’y sa huling araw (Hebreo 1:1-2).
Tunay na ang tatlong hulang ito’y nangatupad ng lahat. Ang Bahay ng Dios na siyang Iglesia ng Dios (I Timoteo 3:15) ay nagpasimula at natatag sa Jerusalem (Gawa 2:5) sa pangangaral ng mga alagad doon ay tatlong libong kaluluwa ang nagsipagtanggap sa Panginoon (Gawa 2:41). Ang iglesiang ito’y laganap na sa buong daigdig at ito’y dumating sa Pilipinas na dala ng mga “American Missionary” noong taong 1901. At ito’y naganap sa mga huling araw ng ika-33 taon matapos na ang Panginoon ay umakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Ama.
Nang sabihin ng Panginoon, “. . . na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia . . .,” Siya’y tumutukoy lamang sa iisang iglesia na iisa rin an ulo. Ayon sa Colosas 1:18 na ang wika’y, “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay ay magkaroon siya ng kadakilaan.” Ang Iglesiang ito’y siyang tanging iglesiang pinangakuan Niyang ililigtas pagdating ng takdang panahon. “Sapagkat ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Kristo na pangulo ng Iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan”. (Efeso 5:23)
Ang turo ng CHURCH OF CHRIST ay hinango sa Banal na Kasulatan at walang itinuturong imbento lang ng tao.
Para sa karagdagang kaalaman patungkol sa Iglesia ni Kristo, tumawag, lumiham, o dumalaw lamang po sa:
Cruzada Church of Christ
1256 Cruzada St., Quiapo, Manila
(02) 734-86-58
(02) 734-86-62
churchofchrist.cruzada@gmail.com
http://www.facebook.com/cruzadachurch
Maaari niyo rin pong alamin kung saan ang malapit na Church of Christ sa inyong lugar.
Para po sa mga TAGAPANGARAL ng Church of Christ, maaarin niyo na rin pong i-add si Bro. Mel sa Facebook upang makatanggap ng lingguhang "Sunday Messages" at "insights" na maaaring makatulong inyong paglagong espiritwal.